Mula sa komiks tungo sa stage at finaĺly, sa pelikula.
Una sa full-length feature at pagkatapos ay sa animation.
Unang nilikha ni Carlo Vergara ang dulang “Zsazsa Zaturnnah” bilang comic book.
Tribute ito sa superwoman na Filipino na si Darna na koninsepto at inilarawan (illustration) ni Carlo Vergara.
Alay ito kay Mars Ravelo na siyang tatay bilang nobelista ni Darna.
Hanggang nagustuhan ito ng Tanghalang Pilipino at ng Cultural Center of the Philippines (CCP) ang presentasyon kayat inangkat mula sa komiks kung saan ang gumawa ng iskrip para sa entablado ay si Carlo rin.
Hit ang dula.
Klik na klik sa mga tagapanood.
Lalo na’t Isa itong musical na ginampanan ni Eula Valdez.
Nakarating ang magandang balita sa noon ay nabubuhay pang si Mother Lily Monteverde.
Sa direksyon ni Joel Lamangan, ang Zsazsa Zaturnnah na papel ay ginampanan ng kapangalan ng heroine—si Zsa Zsa Padilla.
Malaking babae rin si Zsa Zsa tulad ni Zsazsa.
May alter-ego naman si Zsazsa, walang iba kundi si Ada, isang baklang parlorista.
At kapag nakalulon si Ada ng isang mahiwagang baton a ang laki-laki, nag-aanyo siyang si Zszsa, ang supergirl na kalaban ng masasamang loob.
May barkada si Ada, si Didi na isa ring bading na inaalipusta ng lipunan.
Nang dahil sa tagumpay ng “Zsazsa Zaturnnah ze muzikal,” inasahang box-office hit din ang pelikula.
At pagkuwan ay ibinalik muli sa tanghalan ang “Zsazsa Zaturnnah ze muzikal” at kuwela na naman.
Ang ginawa naman ng filmmaker na si Avid Liongoren ay isi-nubmit ang synopsis, log line, sequence treatment, production cost, schedule at iba pang requirements sa It Project ng Network of Asian Fantastic Films (NAFF) ng Bucheon International Fantastic Film Festival (BIFAN) sa Bucheon City, South Korea noong 2020 at sa kabutihang-palad, natanggap ito.
Masyadong competitive at maigting ang kompetisyon sa larangang ito.
Pero umani ng papuri ang project at may naglagak ng pundo mula sa isang investor sa France.
Gayundin, sinuportahan ito ng Nathan Films ng mga Atayde at CreaZion Studios—ang dalawang film outfits na ito ang tumulong sa Rocketsheep Productions ni Avid.
Ngayon ay official entry ito sa main competition (Bucheon Choice World) ng 30th BIFAN kalaban ang iba pang matitinding pelikulang genre sa buong mundo.
Animation na ngayon ang “Zsazsa Zaturnnah.”
Kamakailan ay itinanghal ito sa Annecy, France at pinalakpakan din ng mga manonood.
Ngayon naman, masungkit kaya ng pelikula ang mga bonggang papremyo sa BIFAN ngayong taong ito.
Kasalukuyang ginaganap ang ika-30 BIFAN hanggang sa ika-12 ng Hulyo, 2026 sa Bucheon City, South Korea. (Boy Villasanta)






