“INVEST ka lang ng ₱10,000, tapos magiging ₱20,000 sa loob ng isang buwan.”
Nakakaakit pakinggan hindi ba? Lalo na kung may kailangan kang bayaran o gusto mong palaguin agad ang iyong ipon. Pero bago ka magpadala ng pera, tanungin muna ang sarili mo: saan talaga manggagaling ang ipinapangakong kita?
Nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) na dapat mag-ingat ang investors sa mga alok na nangangakong garantisadong mataas na returns.
Sa investment education materials nito, ipinapayo ng SEC na suriin ang mga dokumento ng investment, unawain ang mga kondisyon, at tiyaking may kaukulang awtorisasyon ang kumpanyang nag-aalok.
Mahalaga ring tandaan na ang simpleng SEC registration ng isang kumpanya ay hindi awtomatikong pahintulot para mangalap ng investments o magbenta ng securities.
Bago mag-invest, huwag lang tumingin sa screenshots ng payout, testimonials, o mga litrato ng mamahaling sasakyan ng promoters. I-check ang legal name ng kumpanya, ang aktuwal na business model nito, at kung awtorisado itong mag-alok ng naturang investment. Huwag ding magpadala dahil lamang sa sinasabing limited slots o dahil may kaibigan kang kumita noong una.
Walang investment na dapat pasukin nang hindi naiintindihan ang risks. Kung hindi malinaw kung paano kumikita ang negosyo, mas mabuting maghintay kaysa ilagay sa alanganin ang perang pinaghirapan mong ipunin. Maaari mong gamitin ang SEC Investment 101 bilang panimulang gabay.







