Kung may isang industriya na tahimik na lumalaki sa Pilipinas, ito ay ang motorcycle sector.
Sa loob ng maraming taon, sasakyan ang itinuturing na simbolo ng pag-unlad para sa maraming Pilipino.
Ngunit sa kasalukuyan, tila nagbabago ang pananaw na ito.
Habang lumalala ang traffic congestion sa mga pangunahing lungsod at nananatiling hamon ang mass transportation, mas maraming manggagawa, negosyante, at delivery riders ang lumilipat sa paggamit ng motorsiklo.
Noong 2025, umabot sa rekord na 1.87 milyong unit ang motorcycle sales sa bansa, mas mataas ng 11 porsiyento kumpara sa nakaraang taon. Ito na ang pinakamataas na naitalang annual sales sa kasaysayan ng industriya.
Ayon sa Federation of Asian Motorcycle Industries (FAMI), nalampasan pa nito ang dating record bago ang pandemya.
Ngunit higit pa sa simpleng transportasyon ang kuwento rito.
Kasabay ng paglaki ng motorcycle ownership ay ang paglawak ng buong ecosystem na nakapaligid dito. Lumalago ang demand para sa repair shops, motorcycle financing, accessories, riding gear, insurance products, at maging motorcycle-friendly food establishments.
Sa maraming probinsya, may mga negosyanteng dating sari-sari store owner na ngayon ay kumikita sa pagbebenta ng piyesa at maintenance services.
Malaki rin ang naging papel ng delivery economy. Mula sa pagkain hanggang online shopping parcels, malaking bahagi ng logistics network ng bansa ay umaasa na sa mga rider.
Dahil dito, nagkaroon ng bagong consumer segment na may regular na pangangailangan sa maintenance, fuel, at financial services.
Para sa mga entrepreneur, hindi na lamang tanong kung magbebenta ba ng motorsiklo. Ang mas mahalagang tanong ay kung paano makikinabang sa lumalaking ecosystem na nakapaligid dito. JESSE C. ONG





