ONGOING ang school-based immunization program ng Department of Health (DoH) na ‘Bakuna Eskwela’ mula ngayong buwan ng Oktubre hanggang sa pagtatapos ng taon sa Disyembre.
Sa pagpapatupad nito, marami ang nagtatanong kung ang programang ito ay ligtas nga ba at tunay na makakabuti sa mga benepisyaryong kabataan.
Tumugon ng poditibo ang kagawaran at tiniyak sa publiko na ang mga bakunang ibinibigay sa Bakuna Eskwela ay ligtas at epektibo.
“Ang mga ito, tulad ng MR, Td, at HPV vaccine ay hindi bagong bakuna at matagal nang ibinibigay sa mga eligible population,” pinunto pa nito.
Ayon sa mga health official, dumaan ang mga bakuna ng ginagamit sa programa sa mahigpit na pagsusuri upang matiyak ang kanilang kaligtasan at bisa.
“Ibinibigay ang mga bakunang ito upang maprotektahan ang mga mag-aaral laban sa mga sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna,” paglilinaw pa.
Ang target beneficiaries ng immunization program ay ang mga sumusunod:
• Grade 1 and Grade 7 Learners – Vaccines for Measles-Rubella (MR) at Tetanus-Diphtheria (Td)
• Grade 4 (and eligible Grade 5) Female Students (Ages 9–14) – Vaccines for Human Papillomavirus (HPV) para sa cervical cancer prevention
Ang target coverage ay may layuning mabigyan ng proteksyon ang 3.6 milyong mag-aaral para sa MR/Td at 1 milyong babaeng estudyante para sa HPV. (Heidi Nicodemus)








