Pinahahanga talaga kami nitong Urian 2026 Best Actress awardee na si Maris Racal.
Hindi lamang sa aninong gumagalaw malaya at matinik mag-isip ang babaing ito.
Kung sa pinilakang tabing na katauhan sa pelikulang “Sunshine” ay ipinamalas niyang ang isang balanse, matalino at pantay na pagtingin sa mga bagay-bagay bilang babae ay makatarungan at mapagkakatiwalaan na magbubunsod sa dalisay na kaligayahan ng isang indibidwal.
Dahil ang Maris na aktres sa “Sunshine” bilang gymnast na nagdadalantao sa pagkakataong siya ay may laban sa laro ay nagpasya para sa kalayaan ng kanyang sarili.
Ganyan ding mag-isip sa tunay na buhay ang isang Maris Racal.
Siya ay may paninindigan bilang isang tao, anak, aktres, mamamayan.
Sa dinami-dami ng mga babaing bituin sa showbiz, nangingibabaw si Racal.
Isa lang siya sa kakaunting aktres na may kritikal na pagtingin sa mga bagay-bagay na sosyo-pulitikal na nagpapaandar hindi lang ng industriya o larangan ng pelikula, telebisyon, teatro multimedia kundi ng lahat ng bagay at sangay ng buhay sa lipunan o sa bansang ito.
Hindi nga ba’t nanindigan si Maris sa gitna ng isyu sa korapsyon sa gobyerno nang dahil sa flood control scams.
Walang takot na nakipag-rally at nagprotesta ang Davaoenang ito.
Ang akala nga namin noon ay supporter si Racal ng mga Duterte o DDS dahil siya nga ay taga-Davao.
Pero may paninindigan pala siya para sa kalayaan, demokrasya, katarungan, kapayapaan at iba pang adhikain ng isang makabayan, makadiyos at makakalikasan.
Kaya nga idinambana si Maris ng mga nagmamahal sa Pilipinas nang walang pag-iimbot.
Mahal na mahal siya ng masang Filipino kahit paimbabaw lamang—dahil napakalawak at napakalalim ng buhay—pero ang pagiging mapagmatyag na katangian lang ni Maris ay nasakyan ng mga kapwa inaaping Filipino.
Lalo pang tumingkad ang pagiging malayang tao ni Racal nang magtalumpati siya nang sinserong-sinsero sa kanyang pagwawagi ng Best Actress sa ika-49 taon ng Gawad Urian.
“Para sa mga babaing tulad ko ang award na ito,” wika ni Maris sa patunay na siya’y feminista at makakababaihan na ipaglalaban ang mga karapatang pantao ng bawat isa.
Excited na excited nga si Maris sa kanyang Urian Best Actress na handog niya sa mga Filipina. (Boy Villasanta)







