Bagamat magkahiwalay na pumunta sa Atimonan, Quezon ang kilalang historyador at guro na si Xiao Chua at ang pamosong visual artist, filmmaker, teacher, environmentalist at polymath na si Bon Labora, pareho silang pinagkaguluhan ng madlang pipol doon.
Naging guest lecturer si Bon sa Leon Guinto Memorial College sa kursong Bachelor of Culture in Arts Education o BCAEd na may cognate sa Theater Arts at pagpasok pa lang niya sa bulwagan ng Media Room ng Administration Building ay nakapila na ang mga estudyante na nais magpakuha ng litrato kasama siya.
“I am endeared to students because they are life. Teaching is a passion for me. It is a commitment,” pahayag ni Bon na nagbigay ng lektyur at acting exercises sa mga mag-aaral.
Alam ba ninyo na nagtuturo ng Arts Design si Labora sa Miriam College sa Katipunan kaya naman mahal na mahal niya ang mga estudyante na nais matuto pa ng mga karunungan sa buhay?
Umiikot si Bon sa mga lalawigan kabilang ang Quezon, Bulacan, Bohol, Baguio, Cebu, Davao at Dapitan City para lang mag-theater workshop sa mga kabataan at intresado sa disiplinang ito.
Gayundin, nililibot ni Xiao ang buong bansa at daigdig sa pagli-lektyur tungkol sa kasaysayan.
Tulad ni Bon, si Chua ay isa ring propesor sa De La Salle University kung saan nagtuturo siya ng History.
Nang dumalaw nga siya sa Atimonan kamakailan ay pinutakti rin siya ng mga kababayan natin doon.
Para rin siyang artista.
Celebrity Talaga.
Atimonan Book Fair ‘yon at dinagsa ang kanyang lecture at talumpati.
Ito ay dahil marami siyang naituwid na mga mali sa pagtalakay at pag-aaral natin ng kasaysayan.
Dumami pa sana ang mga tulad nina Labora at Chua.
Samantala, wala namang kaugnayan ang larawan dito sa naganap sa Atimonan kundi sa monumento ito ni Emilio Jacinto, ang Utak ng Rebolusyong Pilipino kung saan ang lider ay si Andres Bonifacio (ang pangalan ni Bon ay hango sa apelyido ni Andres na kanyang ka-birthday). (Boy Villasanta)






